Nanawagan ang mister ng isang Pinay sa Jeddah, Saudi Arabia na sana'y makauwi na sa bansa ang misis na ikinulong matapos umanong maglaslas para matigil na ang panggagahasa sa kaniya ng manugang ng kaniyang amo.
Kuwento ni Roman Santos na taga-Jaen, Nueva Ecija, dalawang beses ginahasa ng manugang ng amo ang misis ni Santos noong Marso.
"Pinaghahalikan na raw po siya... naglaslas po siya ng pulso para matigil na daw po 'yong pag-aabuso sa kaniya... pagkagaling po nila ng ospital idineretso na siya sa kulungan," ani Santos.
Paliwanag ni Ruel Lusung Yumul, isang advocate ng overseas Filipino workers (OFW) sa Saudi Arabia, labag sa batas doon ang tangkang pagpapatiwakal.
"Ipinakulong ng kaniyang amo sapagka't dito sa Saudi Arabia ay tunay na bawal po ang mag-suicide," ani Yumul.
Nakarating na sa embahada at konsulado ng Pilipinas at maging sa Department of Foreign Affairs–Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA) ang kaso, pero "wait and see" lang muna daw ang sinasabi nila kay Santos.
SEXUAL HARASSMENT 
Nag-aalala naman sa Sto. Tomas, La Union ang mga magulang ni alyas "Andrea" na biktima umano ng sexual harassment sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa isang video na lumabas limang buwan na ang nakalipas, takot na humihingi ng tulong si Andrea kaugnay sa panghihipo umano ng kapatid ng amo niya.
"Hinalik-halikan siya, hinawakan yung mga maseselang bahagi ng katawan," sabi ng ina ni Andrea.
"Nananawagan po ako sa gobyerno natin na tulungan siya para makauwi na," panawagan ng ama ni Andrea.
Nagalit pa umano ang orihinal na amo ni Andrea kaya ibinenta siya sa kaibigan.
"Siya ay dinala sa Riyadh SWA [Social Welfare Agency] at pinapirma ng papel na nagsasabing 'wag na siyang magreklamo," ani Yumul.
Hindi nagpaunlak ng panayam ang agency ni Andrea.
Loading...