Alamin kung sino dapat uminom ng aspirin. Kumonsulta sa doktor.
Ni Dr. Willie T. Ong
Ako ay 42 anos na lalaki. Nag-eehersisyo ako madalas. Nabasa ko ang tungkol sa aspirin. Bagay ba ito sa akin, Dok? (Jed)
Oo, Jed. Napakagandang gamot ang aspirin. Napatunayang mapipigil ng aspirin ang istrok at atake sa puso. Ngunit may dapat tayong alamin bago uminom nito.
Ayon sa maraming pagsusuri, ang aspirin ay nababagay sa mga sumusunod na sakit:
1. Makatutulong ang aspirin kung kayo ay nagkaroon na ng atake sa puso o istrok (iyung istrok na may bara sa utak, dalawa kasi ang klase ng istrok).
2. Mabisa din ang aspirin sa mga taong may diabetes, may sakit sa puso at may mataas na kolesterol.
Side Effect ng Aspirin
Ngunit dapat ding mag-ingat sa pag-inom ng aspirin dahil maaaring mangasim ang sikmura at magka-ulcer. Kung madalas humapdi ang iyong sikmura, magtanong muna sa doktor bago uminom ng aspirin. Dahil dito, pinapayuhan ng mga doktor ang pasyente na kumain muna bago uminom ng aspirin para may laman ang tiyan. At saka, may pailan-ilang pasyente ang allergic sa aspirin.
Ano ang dosis ng Aspirin?
Ang tamang dosis ng aspirin ay 80 mg bawat araw. Isang murang brand ay ang Aspilet, na piso lang bawat tableta.
Ano ang puwedeng ipalit sa aspirin?
Kung hindi ka makainom ng aspirin dahil sa ulcer o allergy, may puwedeng ipalit ang iyong doktor. Ito ay mabisa pero mas mahal na gamot – ang Clopidogrel. Hay, bakit nga ba napakamahal ng gamot!

Ngayong alam mo na kung para saan ang aspirin at side effect nito, makakapag-desisyon ka na, sa tulong ng iyong doktor, kung bagay sa iyo ang aspirin. 

Loading...