Ang lumang communications equipment ng mga pulis ang naging dahilan ng improper coordination na nauwi sa madugong misencounter ng Philippine Army (PA) at Philippine National Police (PNP) sa Samar kahapon ng umaga.
Ayon kay 8ID Commander Major Gen. Raul Farnacio, limang araw nang nag-ooperate ang mga tropa ng Charlie Company 87th IB ng Philippine Army sa mataas na bahagi ng Sitio Lunoy, Barangay San Roque, Sta. Rita, Samar.
Tinutugis ng mga tropa ng militar ang tinatayang 20 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa lugar at sumunod din sa pagtugis ang mga pulis ng 1st Platoon 805th Mobile Company Regional Mobile Force Battalion 8.
Ayon kay Farnacio, ang lumang radyo na dala ng mga pulis ay hindi ka-match ng Harris communications equipment na dala ng mga sundalo, kaya hindi nakapag-coordinate nang maayos ang dalawang pwersa.
Nagkabulagaan na lang aniya ang dalawang grupo, kung saan napagkamalan ng mga sundalo na NPA ang grupo ng mga pulis.
Sa naturang engkwentro, anim na pulis ang nasawi at siyam ang sugatan, habang walang casualties sa panig ng militar. | ulat ni Leo Sarne
0 Comments
Post a Comment